Tuesday, August 5, 2008

TAO tayo hindi BAGAY

Sa pangatlong pagkakataon, lumiliit na naman ang mundo ko. Sumisikip ang paghinga hindi dahil sa masikip ang bra. Gabi-gabi hindi na mapakali. Kapag namumula ang pahina, hindi na pumipikit ang aking mga mata. Tumatalon ang puso, ang ngiti ay hindi na mapawi.

Mali ito.Maling-mali. Sa pangatlong pagkakataon.Ayoko ng magkamali. Ayokong pagkalipas ng ilang buwan, sisisihin ang sarili sa mga nagawa at nasabi. Ngayon iisipin ko na laman na isa kang jeep, sasakyan kita ngunit libre. Maari akong tumalon sa kahit anong pagkakataon. Ngunit masasaktan ako.Magagalusan. Hindi mo malalaman. Samantalang ikaw, patutuloy na tatakbo sa iyong paroroonan. Hindi mo alam na ako'y nahulog...nasaktan dahil sa gusto kitang iwasan.

Doon ako magaling sa pag-iwas. Kapag nararamdaman kong nahuhulog na ako, wala akong ibang magawa kung hindi magtago. Natatakot ako. Malaki ang kinakatakot ko. Natatakot na isa ka lamang estrangherong pinadaan sa buhay ko,dumaan ka lang para ako pakiligin at saktan. Dumaan ka lang para ako'y pangitiin tuwing gabi at paasahing mayroon talagang tunay na pag-ibig. Tunay na pag-ibig na walang katumbas. Tunay na pag-ibig na ipaglalaban ko kahit sino pa ang pumigil at bumatikos sa aking tunay na nararamdaman. Ipapamuka mo sa akin na kailangan kong maging matapang. Na ang pag-ibig na matagal ko ng hinihintay ay nasa harap na ng pinto ng aking puso at naghihintay na pagbuksan.

Nagdadalawang isip ako ngayon kung ito na ba ang tamang panahon upang sirain ang kandado ng puso ko. Ayokong magpadalos-dalos, ayoko ng nagkamali sa pangatlong pagkakataon. Mas matimbang ang paniniwala ko na trahedya lamang ang dulot ng kasiyahang nararamdaman ko ngayon at alam kong ito'y pansamantala lamang. Ayokong kalimutan ang aking pinaglalaban, na ang lahat ng bagay ay may kamatayan.

At ang pag-ibig ay hindi makakatakas sa karit ni kamatayan. Sa una lamang ang masaya, sa una lamang nagmamahalan. Ngunit darating ang panahon na parang ito'y isa ng kandila. Sa una lamang matibay ang apoy, makikisayaw sa ihip ng hangin na para bang ipinaglalaban ang pag-ibig. Hanggang sa tuluyan itong luluha dahil sa selos, inggit at poot. Sa huli, sa isang malakas na ihip ng hangin patay na ang apoy.Patay na ang kandila. Madilim na muli.

Ngunit hindi nawawalan ng pag-asa ang kandila. Maghihintay siya ng panibagong posporo. Panibagong magbibigay sa kanya ng buhay. Panibagong magbibigay liwanag sa kanyang madilim na kahapon. IIbig siyang muli.IIbig na muli.

Ngunit tao tayo. Tao tayo. Hindi ako kandila.At iwawaksi ko na ikaw ang posporong matagal ko ng hinihintay. Kakalimutan ko ang lambing ng liwanag na dulot nito sa aking kaluluwa. Mananatili na lamang ako sa dilim. Sa dilim nalulunod ako sa katahimikan. Hindi ako nasasaktan. Mag-isa kong niyayakap ang lamig. Hindi ko kailangan ng iyong init.

Inuulit ko, TAO tayo hindi BAGAY.