Huminto ang sinasakyan kong jeepney. May sumakay palang pasahero.
“Ma, bayad po, dalawang Quiapo, kasasakay lang.”
Inabot ko ang bayad sa driver . Nang ibibigay ko na ang sukli, napako ang tingin ko sa babae. Halos anim na taon na din ang nagdaan, ngunit hindi ako maaring magkamali. Ang babae ay si Cherry. Sa sobrang tuwa ay gusto sana kitang tawagin at kamustahin. Ngunit may pumupigil sa akin na huwag kang istorbohin.
Nililipad ng hangin ang hanggang balikat mong buhok. Hinawi mo ito at inipit sa iyong taenga. Maaliwalas na ulit ang iyong mukha. Lumalabas ang mga biloy mo tuwing kinakausap mo ang kasama mo. Nagniningning ang iyong mga mata, at halatang masaya ka.
Ilang beses nang huminto ang jeep para magbaba at magsakay. Puno na ang jeep at halos magkatapat na tayo. Habang pinagmamasdan kita ay binalot ng panghihinayang at pagsisisi ang buo kong pagkatao.
Palagi tayong magkatabi sa klase, dahil magkasunod ang ating apliyido. Noong una ay hindi tayo nagpapansinan, dahil mailap talaga ako sa tao. Ngunit nang nagkaroon ng pagsasanay na magkakagrupo, huwag na daw lumayo , at ang sabi ng propesor ay ang katabi na lang ang gawing kapareha.
Doon nagsimula ang lahat, hanggang nang pareho tayo ng kinuhang major.
At simula noon ay hindi na tayo mapaghiwalay. Sa kahit saang lakad ng barkada, nadoon tayong dalawa. Sa biglang yayaan na inuman, sa mga nagdedebut na kahit sa
Cavite, Bulacan o Pampanga pa, hindi tayo nawawala. Sa mga libreng konsyertong pinupuntahan natin, tayo ang palaging magkapareha. At kapag dumadating ang pagkakataon na wala ang isa, inuulan ng tukso ang natira.
"Oh Chinobakit wala si Cherry?” panunukso ni Phol , ang payaso ng klase
“Maysakit e, nilalagnat…” sagot ko
“Lagnat? O baka naman labnat! O kaya LQ kayo noh. Asus aminin mo na?” at sinundan ng malutong na tawanan ng barkada.
Isang umaga nagising ako ng biglang tanungin ako ng konsensya ko ng “Mahal mo na ba si Cherry?” Bigla akong napaupo sa pagkakahiga. Magkahalong emosyon ang aking nadama, kinabahan at natuwa. Kinabahan dahil hindi pa ako sigurado sa nararamdaman ko, pero sa kabilang banda ay masaya dahil ikaw ang tipong madaling makakahuhulugan ng loob ng kahit na sinong lalaking makakakilala sa ‘yo.
Ikaw ang babaeng hindi makikitaan ng kikay kit sa bag. Ayaw mo nang naglalagay ng kolorete sa mukha. Sapat na sa’yo ang pulbos at wala ng iba. Hindi rin ikaw ang klase ng babaeng nagpapaayos ng kilay. Dahil ang kilay mo naman ay parang iginuhit ng pintor, tamang-tama lamang para sa maamo mong mukha. Ang mga daliri mo sa kamay at paa ay wala kahit anong pintura. Sa madaling salita, isa kang simpleng dalaga. At kahit hindi ka nag-aayos ay lutang na lutang ang iyong ganda.
Ikaw din ang tipo na hindi suplada. Palaging may ngiti sa yong mga labi. Isa ka sa mga nangunguna sa klase, at kahit kalian hindi ka nagdamot sa iyong mga nalalaman. Kahit sino’y hindi magdadalawang isip na ika’y lapitan, dahil alam nila na sila’y iyong tutulungan.
Siguro nga’y nahuhulog na ang loob ko sa’yo,dahil sa kasimplihan at kabaitan mo, ngunit hindi lang ako. Marami kaming may lihim na pagtingin sa ‘yo. Ngunit masasabi kong maswerte ako dahil tayo ang palaging magkasama. Kapag may naunukso na “Bagay kayo”, sinagot ko naman nang “Salamat ha” ngunit sa hangin ko lang ibinulong. Kapag naman may nagtatanong nang “Kayo ba?”, ipinagsigawan ko ang “OO”, ngunit sarili ko lamang ang nakarinig.
Sa bawat araw na dumadaan, lalong sumisidhi ang aking nararamdaman. Hindi na ako makatingin ng diretso kapag kinakausap mo ako. Minsan naman natutulala ako sa kakatitig sa mukha mo. Ayokong malaman kong may pagtingin ka ba sa akin, at sa dalawang taong lumipas wala akong ginawa para malamn mo ang nararamdaman ko.
Isang araw sa pagpasok ko, hindi ako sumabay sa’yo. Nang inaya mo ako na manananghalian, sinabi ko sa’yong masama ang aking pakiramdam. At iyon ang simula nang aking paglayo sa hindi malamang dahilan. Sa mga gimik ng barkada, hindi na ako sumasama. Marami akong inipong dahilan na inyo namang pinaniwalaan.
Dalawang buwan bago tayo magtapos, habang naglalakad ako ay nakita kitang kasama si Phol na maka-holding hands.?Hindi ko alam kung bakit pakiramdam ko ay sinampal ako sa mukha. Hindi ko na dadayain ang sarili ko, inamin ko din na nagselos ako. Gusto ko mang umiwas ay na hindi maari, sapagkat ilang hakbang na lamang ang ating pagitan. Nagpatuloy ako sa aking paglalakad, nang magkatapat na tayo ay walang batiang naganap.
Sa gabi ng ating pagtatapos, nagulat ako ng lapitan ako ni Phol at ipinagtapat ang lahat. May pagtingin ka daw sa akin kung kaya’t kinasabwat mo siya upang pagselosin ako para mapatunayan sa sarili mo kung may nararamdaman ba ako sa’yo. Ngunit wala akong pinakitang senyales na kahit ano, kaya nabigo ka sa plano mo.
Pinilit ako ni Phol na kausapin ka at iyon na daw ang tamang pagkakataon para magtapat ng tunay na nararamadaman ko. Ngunit ang sagot ko ay “Para saan pa?”. Napailing na lamang ang aking kaibigan at iniwan ako sa aking kinauupuan. Pinangako ko sa sarili na sa susunod na lamang na pagkikita natin ko ipagtatapat ang lahat dahil paniguradong nakapag-ipon na ako ng determinasyon sa pagdating ng panahong iyon.
“Para na po sa tabi”. Natauhan na lamang ako ng biglang pumireno. Pagtingin ko sa pwesto mo, ibang mukha na ang nakita ko. Ikaw pala ang pumara. Sa pagbaba mo ng jeep ay inihatid na lamang kita ng tingin. Binalot ako ng panghihinayang at walang katapusang pagsisisi. Kung hindi lamang ako naging torpe at naduwag na magsabi ng nararamdaman ko na handa mo namang tumbasan, sana ay ako ang ama ng anak na kasama mo.
Umandar na ulit ang sinasakyan kong jeepney.Hindi ko na inalis ang pagkakatitig sa’yo, dahil baka ito na ang huling pagkakataong magkita tayo, hanggang mapansin ko na may mapait na ngiting gumuhit sa iyong labi at naramdaman ko na lamang na may malamig na luhang dumaloy sa aking pisngi.