Thursday, August 23, 2012

LUKSA

Jesse Robredo. Sabado. Ala-singko ng hapon. TV5 iyon. Kausap ni Sherly Cosim yung Vice Gov. ang Masbate. Narescue na daw yung aide sampung minuto pagkatapos ng plane crash. Pero si Sec. Jesse Robredo hindi pa. Sabi ko sa sarili ko sino yun? Tas nag flash ng picture niya. Bigla akong nanlata. Tumatak sa isip ko yung tanong ng news anchor sa kausap niya sa kabilang linya. “Paano na po yan, pagabi na. Tuloy pa rin po ba ang rescue operation?” Huminto ang mga nagkakagulong laman ng utak ko ng mga oras na iyon. At naglaro ang wirdo kong imahinasyon. Hindi ko alam kung bakit ako umasa. Sabi ko sa sarili ko, baka natangay ng alon. Dinala sa isang isla at kinupkop ng mabait na pamilya at nagbilin na huwag nio akong ipapakita dahil may nagbabanta sa buhay ko. Yung para bang nangyayari sa telenobela. Kinabukasan. Linggo. Hanap kagad ako ng dyaryo. “PATULOY ANG RESCUE.” Binasa ko yung artikulo. Representative lang pala siya ni PNOY sa isang event sa Cebu. Hindi talaga siya ang nakatakdang pumunta at hindi siya talaga sasakay sa private plane. Tas sa dulo, meron ng maigsing biography. Napamura ako. Tangina, dipa man din patay me Tribute na???? Tangina talaga. Dahil umaasa ako na buhay siya. Lumipas ang maghapon, okupado ang utak ko ng maraming bagay. Nagsimba kame ni Nixy. Umuwi ng bahay. Binuksan ang TV. At bigla ko ulit siya naalala, at naghanap ako ng balita. Madami ng divers, may Australyano at kung anu-ano ng makina ang ginamit para malaman kung saan lumubog ang eroplano. Pa-interview ng pa-interview ang kapatid na si Butch Robredo, sabi pa niya “Tanggap ko na e, gusto ko na siyang maiuwi.” Medyo nabadtrip lang ako sa mga reporter kasi nakablack na sila lahat. Tangina, hindi pa patay mga ULOL! Umaasa ako. Umaasa ako na buhay siya, na matatagpuan pa siya. Ilang litrato ang pinapakita sa TV. Ang amo ng mukha niya. Anlambot ng aura ni Secretary Robredo. Yung mukang sobrang kalmado, at kahit hindi ko kakilala ang gaan kagad ng loob ko . Kung sinu-sino ang mga iniinterview, maraming nagkkwento kung gaano siya kasimpleng tao; 19 years na nagging Mayor ng Naga. Doon palang makikita na, hindi siya tatagal sa pwesto kung hindi siya minahal ng tao. Andameng nagdadasal, andameng umaasa na buhay siya. May nagsalita pa, na hindi siya marunong magalit, hindi katulad ng ibang may pwesto sa gobyerno na nananapak at namamahiya kapag nag-alburoto.Pinakita ang bahay niya, 3 story man ngunit walang mataas na bakod. Napaka-simple. Malayong-malayo sa mala-mansyong bahay ng mga politiko. Ininterview yung bestfriend niya na mapula ang mata at sinabing nagpapahatid lang ito sa kanya sa sa sakayan sa Cubao pauwi ng Naga. Wala siyang sariling sasakyan. Wala siyang Audi, BMW, Hummer na siyang luho ng mga mayayaman. At yung anak niyang si Aika nung nainterview nabilib talaga ako. Manang-mana sa ama, napaka-kalmado. Kitang-kita yung breeding, kitang-kita kung paano siya napalaki ng maayos ng magulang.Hindi ko alam kung talagang matatag siya o sadyang maluwag sa loob niya na wala na ang Daddy nia. Nakwento pa niya na kahit gaano ka-busy ang ama niya, halos gabi-gabi sama-sama silang kumakain ng hapunan. Pinakita rin sa Tv screen yung exerpts sa essay niyang naging 1st Place awardee sa Ramon Magsaysay ata iyon, sabi niya kahit gaano kabusy ang dady niya, hindi kalian man nawalan ng oras sa kanilang pamilya. Nakurot ang puso ko nung sinagot niya ang tanong ni Jessica Soho, kung ano pa gusto niyang sabihin sa Daddy niya na hindi pa niya nasasabi kahit kelan. Sumagot siya ng wala na po, Ordinary nap o samen ang I love u everyday. Malambing po si Daddy. Lunes. Alas- nwebe ng umaga. Nag-aabang ako ng news flash. Wala. Lipat. Lipat. Si Mar Roxas. Natagpuan na po ang bangkay ni Sec. Robredo ngunit yung dalawang piloto hindi pa. Para akong nalumpo. Sobrang lungkot ko. Para akong namatayan ng kapamilya na sobrang lapit sa puso ko, kahit hindi ko siya kakilala. Ewan ko. Gising na gising ang diwa ko. Halos lahat ng channel me Tribute na sa kanya. Hindi ko alam kung sino ang sisisihin ko. Hindi ko alam kung si PNOY kung bakit si Robredo pa ang pinapunta niya ng Cebu. Tas naisip ko, kung si PNOY kaya ang laman ng eroplano pupusta ako NAVY, PNP, ARMY, MMDA, DSWD nagkakagulo at isang oras lang marerescue na siya sigurado. Nagtaka din ako, pucha bakit yung aide nakaligtas? Di ba dapat protektahan niya yung boss niya?Txt saken ni Stef: “Niyakap niya si Sec. Robredo bago bumagsak yung eroplano, pero sabi sige na umalis ka na. Ang selfless noh?” at kinilabutan ako. At ang pinagtataka kopa, tangina wala bang life vest????!!! Ano ba yung seatbelt, sobrang makalawang ba kaya hindi kagad natanggal? Bakit si Roberdo pa? Bakit siya pa, tangina! Masyado akong apektado. Durog na durog ang puso ko. At umiyak ako. Humagulgol na kala mo malapit na kamag-anak ang namatay. Iyak ako ng iyak. Buti na lang tulog na ang lahat ng tao sa bahay at malakas ang volume ng TV kaya hindi narinig ang palakas ng palakas kong hagulgol. Ansaket-saket. Sobrang sakit. Hindi ko alam kung bakit. Saludo ako sa kanya sa lahat ng aspeto. Sobrang nadala ako sa lahat ng testimonies ng kakilala niyang tao. Mula sa basurero na talagang kinakausap sila kahit nangangamoy sila, nagrereply kahit madaling-araw. Nagbibike ng walang body guard, nagwawalis sa kanilang barangay. At sobrang bilib na bilib ako sa galing niya sa time management. Naka-tatoo na sa utak ko na siya kahit gaano ka busy sa trabaho hindi siya nawawalan ng oras sa pamilya niya at sa mga anak niya. Napaka-imposible nun para sa akin, dahil madalas kakainin ng oras mo sa trabaho ang dapat na oras mo sa pamilya mo. Isipin mo naging Mayor ka 19 years, DILG Secretary ka na halos buong bansa hawak mo ang problema pero gabi-gabi kasama niyang kumakain ang kanyang pamilya, walang playa. Durog na durog na naman ako. Sana ganoon din ang tatay ko. Sana sabay-sabay pa rin kaming kumakain kahit sa hapunan lang. Kahit minsan lang sa isang lingo, masaya nako. Sana kahit busy siya sa negosyo, na alam ko para sa ikakabuti naming magkapatid, sana me oras pa ren siya sa amin. Pero hindi, sabi ko sa sarili ko
Hindi ako nawawalan ng pag-asa. Alam ko at gagawin ko na darating ang araw na ako naman ang su suporta sa magulang ko, ako naman ang kakayod para sa kanila, at oo darating yung punto na gabi-gabi sabay-sabay na kaming kakain ng hapunan, at hinding-hindi ako mawawalan ng oras para sa kanila. Magiging kontento kami sa simpleng buhay na walang kaluho-luho na parang si Robredo. Sumalangit nawa ang iyong kaluluwa kasama na iyong dalawang piloto. Alam ko hindi lang ako ang estrangherong nagluluksa sa pagkamatay mo, marami kami. Marami kaming natutunan sa iniwan mong kabutihan, kasimplehan at kung paano ka makisama sa tao. Sana gawin kang ehemplo ng kapwa mo pulitiko. Yung totoong tumutulong sa tao, hindi yung napupuno ng tarpaulin ang kanto sa proyektong hindi naman nagkatotoo. Sana maging simple sila kagaya mo at sana sundan din nila ang matuwid na daang tinahak mo. PS: kung me mali sa mga facts na nabanggit ko, pagpasensyahan nio na. masyado na akong groggy sa balita.

Saturday, March 17, 2012

RAMPA after M.A


Last 2 saturdays sa grad school. Sosyal na sosyal ang dating ng grad school. Soooo professional. Yung tipong kapitag-pitagan, lalo na kapag ggraduate ka na ngayong March. NOT.haha. 2008 pa ako nag-enroll. Anong petsa na teh, 2012 na!!! At oo, sana makalusot ako sa linsyak na compre, dahil gawdddddddd, ayoko ng umaalis ng bahay tuwing sabado, nalulungkot lang ako.haha

E bakit nga ba ako nag-masteral? Dati ang palaging sagot ko: Para pag nagakaanak ako, magiging proud yung anak ko at sasabihin "Wala ka sa Mama ko, tapos siya ng M.A" at ayan nga, nagkaanak na nga ako bago ko matapos M.A. haha. atleast, alam ko at totoong may anak na magiging proud dahil natapos ko M.A ko.haha

Ano na ngayon teh plano mo?

Diko nga alam e. Pucha, pag diko to ginamit parang literal na nagsunog lang ako ng pera. Kahit hindi siya kasing mahal ng tuition fee sa UST o ATENEO, e 6 digits x 5 pa ren yun. At hindi ako nagtatae ng ganong halaga sa tatlong taon. Dahil hindi naman ako nagtatae ng pera.haha. Hindi na ako nagttrabaho ngayon. Mali. Underemployed pala ako ngayon. Tapos, pero hindi nagagamit ang pinag-aralan dahil ako'y nasa ibang larangan. (Una kong naisip yung chees sa larangan,.haha). Mabaho siya at gawd sabi nga nung prof ko sa gradschool, so unglamorous.

Unglamorous talaga ang mag-baboy. Ikaw na lang ang mag face powder ng mga gamot ng baboy, magtimpla sa ala-una ng hapon na tirik na tirik ang araw pati singit mo pinagpapawisan. At ang outfit, pamatay! Pang-araw-araw na kupas na P.E tshirt mo pa ata nung high school, at ginupit na pantalon mong maong , noong high school. (Dika na tumaba teh, in fairnessm magaling ka sa recycling!Haha)At syempre hahaluin yung feeds, hello- hello sa amoy ng fish meal. Hindi ka nga nagbubuhat, dahil ang hirap ng ginagawa mo kaya: ang mag VISOR!haha. Kahit na taga-tingin ka lang noh, my gawd nakakawala ng poise ang work environment mo! Kulungan ng baboy, tae ng baboy, baboy, amoy-baboy at sa feed mill naman ang makikita mo mais, dark, soya, copra, gilingan ng mais at mga boy bicol. ASAN ang HIGH FASHION????????????

Waley na waley. E ang hilig ko pa naman sa fashion kahit wala itong hilig sa akin.haha. Sana kapatid ko na lang si Liz Uy o kahit pinsan si Soleen, atleast kahit nagpipiggery akech meon pa ren akong kabonding sa fashion. Pero wala e. Ay meron pala. Palagi naman pala kameng nagbebeso- beso ni Chictopia at Lookbook kahit wala akong account doon. Binubusog ko na lang ang aking mga mata sa magagandang dress, to die for shoes, at sa uber gandang clutch bags na maraming imitation sa Divisoria. Hanngang matakaw ang sarili at tuluyang maiingit na sana meron din ako noon.

At kaya gusto kong mag-aapply na instuctor sa college, para RUMAMMMMMPAAAAAA!!!haha. Rampa kaagad di ba pdng magturo muna??haha. Kagabi habang nakasakay ako sa jeep at nakikinig kay Adele na nagdedeleryo sa Someone like you, naimagine ko ang aking sarili na nakasuot ng doll dress, black leggings at yung printed animal high-heel shoes ng primadonna na si anne curtis ang model, at may hawak akong envelope bag at BOOM naninindak na ng estudyante!! O kaya naman naka-vintage t-shirt at naka Kamiseta na blazer, naka black slacks ng Shapes at naka-black KEDS. Ewan ko na lang kung hindi ako pag-taasan kilay ng mga librarian na nagtuturo.haha. Idagdag mo na yung maglaway sila sa outfit ko, kahit puro DV ang tatak. DIVISORIA!haha

Nanghihinayang kasi ako sa mga blouse ko at dalwang pares ng slacks, ano yan aamagin na lang sa cabinet ko hanggang ipagdulduldulan na naman ni mudra na ipamigay. No way highway! Kahit tig-250 lang yung blouse diko naman nasulit kaya gusto ko talagang magturo. Diko kasi keri 8 hrs job, lagot ako ke fudra.haha.

At oo na, hindi lang dahil sa high fashion na yan kaya gusto ko magturo. Gusto ko namang ma-ishare yung natutunan ko sa UST at bu. (Mag-tanong, sisipain ko sa ilong,.)
Sayang talaga teh, sayang talaga nag-aaral pa ako kung di ko naman gagamitin. Saka kawawa naman resume ko. Last seminar attended 2007 pa! Diba kahiya-hiya talaga!haha

Mag-aapply ako, once na lumabas yung resulta ng compre at sureball na ggraduate ako.
At sana utang-na-loob sa lahat ng santo, sana naman matanggap ako as professor sa university na one-jip at 2 trics away, pag nagkataon HELLLLLLLOOOO CHICTOPIA DAYS!haha

YUN na!

Friday, January 13, 2012

LTO. It's more fun in the Philippines.


Nanghihina ako tuwing naalala ko yung naranasan ko sa LTO.Parang ayoko ng bumalik. Nakapanghihina sa pagod, sa asar, sa perang naubos, at sa pasensyang nasagad. Kahit gano kalakas ang loob mo nung tumuntong ka sa LTO, tyak hihina loob mo kapag nakasalamuha mo yung mga nakausap ko. Diko tuloy mapigilang sabihing "yah ryt, it's more fun in the philippines."

Ang ganda-ganda ng bagong taon ko. Sabi ko pa naman sa sarili ko, gusto ko January pa lang me magawa na akong matino. Edi sabi ko first week pa lang kukuha na ako ng lisensya. Tamang-tama naipon yung 2 weeks kong sweldo. Edi nagpa drug test ako sa Ulingao, dun ako nirefer nung guard nung tinanong ko requirements sa non-pro. Nung kausap ko na yung secretary ng nagddrugtest sabi pa saken " dito ka na pa drugtest, 300 lang samen doon 400." Edi ang saya ko, makatitipid ako ng 100. Tas nung inabot saken na ng medtech/ kahera yung result at resibo, sabi saken "hanapin mo si mam zeny window 4, ayan me sulat bigyan mo na lang ng 1170. Wag kang magpapafixer, lolokohin ka lang nun!" At nagbilin pa.! Sabi ko "1170?" bat me gutal?? saka mukang makakamura ako, kasi yung anak ng labandera namen me kausap sa loob naka 1500, so nakamura pa ako. Punong-puno ako ng pag-asa na sumakay ng jeep pa- Tabang.

11am ako nakarating. Me humarang na fixer at kung makatango kala mo kainuman mo sa kanto. Napa syet na kagad ako ng makita ko yung tao. Parang kuto sa pila sa isang strand ng buhok. Dikit-dikit!!! Napasyet ako, pero hindi kaya koto. Hanap-hanap ng window 4. Bigay kagad ako ng papel na me kasamang sulat. Matandang babae, gang balikat ang buhok, mukang rebonded. Tantya ko nasa 50. Mukang di manloloko. Disenteng- disente. Naka-uniform pa ng LTO, dahil totoong empleyado. "Pa- medical ka muna." Edi medical naman ako. Nagbayad ng 100, me pinabasang letra, pumirma si doktora na mga sundalong hapon pa ata ang ginagamot, at tapos na ang medicxal. Bumalik ulit ako ke magical Zeny. Pakpak. Tunog ng stapler. Para kameng nasa kulungan na US version kasi sa salamin na kaharang samen. Bumulong siya." Bumalik ka bukas 6.30 ng umaga para maaga kang makauwi., cut-off na kasi e, hangang 280 lang ang kinuha. Pumila ka sa no.3 pag wala pa ako."

Sabi ko wow 6.30 at noon pa lang kame nag-iinin ni nixy. Tas tandang-tanda ko yung linyang, makakauwi ka ng maaga. Sabi ko baka 10 pa lang makauwi na ako, edi sakto ako magbubukas ng SM Baliwag.

Kinabukasan, sakto 6.30 andun ako. Wow Men. Andame ng tao. 6.30 ako dumating, pang 63 ako. Sa pila palang maddrain ka na. Pila sa piktyur, ang lolo mo kinakain ang mic kaya di maintindihan. Tapos andameng singit, mga lintik na fixer at lintik na padulas. Pila sa kahera. Tapos diretso sa exam, na wala naman atang bumabagsak, diresto sa drive test na worth 200!! oo me bayadddd!!!!!!!!!!! Juice ko, sabi saken ni Kuya,

"ano ba dinadrive mo?"
"pik-up e, matik"
"kaya mo ba idrive to, manual?" tinuro yung kotse
umiling ako. " Sige, palalagpasin kita wag ka na maingay...

At ang mga susunod na eksena, ang nakakadrain ng utak at pasensya. Inabot ko sa gwardya yung papel, resibo, at number ko. Ganon lahat ginawa ng kasunod ko. Nalito na ako. Diko alam ang susunod. Nagpanic na ako. Tinanong ko yung gwardya. Sabi ko kuya "ano sunod? Binigay ko sau yung papel at number ko??"
"Binigay mo ba saken? asan number mo??
"Asa yo nga e. Inilagay mo sa bintana."
"Sino ba kausap mo sa loob?"

Noong una, nagdadalwang isip ako na sabihin. Paano nung nilapitan ko ulit yung Zeny, hinihingan ako ng 900 at alas-dos daw makukuha ko na, o kaya balikan ko na lang bukas kung me lakad ako (pota, balik na naman!?). Nag-isip ako. 900???? e 417 lang talaga e. Balik ako sa guard.
"Kuya asan yung papel ko?"
"Binigay ko nga sau. Binigay mo sa loob. Akina!"
"Edi, kunin mo sa loob!"
"E bat ako kukuha e, ikaw ang nagbigay!"
"San ba talaga yung LEGAL na pila!!Eksena na. Nakatingin na yung nasa loob. Mahinahon akong pumasok. Nakiusap. Ang bungad saken kagad, "Sino kausap mo sa loob?"

"Si mam zeny, kaso hinihingan ako ng 900."
"Alam mo naman pala e...Relax ka lang wag ka magpanic."


11am na. Namimilipit na ako sa ihi at gutom. Diko na alam gagawin ko. Gusto kong umiyak ng dugo. Isip-isip. Punta sa cashier. Tanong. Isip ng 900. Naki- Zeny na yung papel at number ko. Baka kapag di ako nagbigay ipitin lang papel ko. Naisip ko, tawagan ko kaya si tatay baka me kontak siya, e malamang sa meron man sasabihin din nia lagyan ko ng lagay. Edi ganun din. Inisip ko ng mabuti. Pagod na pagod na ako. Alas-dos ko daw makukuha. Makukuha. Ibig sabihin sigurado. Nagbigay na ako. Suko na ako e. Naka 400 ako kahapon, 200 sa drive test at 900 ke zeny, idagdag pa ang pagkain at pamasahe sa dalawang araw sa LTO. Naka dalawang-libo akong singkad. Nakakapanghinayang, dahil dapat 1k lang magagastos ko sa LTO. sa Legal na pamamalakad ng LTO.

Badtrip. Alam nila ang kalakaran sa loob. Alam nila na kapwa empleyado nila gumagawa ng kabalbalan. 500 ang diprensya, anong akala nila lahat ng nagpupunta sa LTO sumusuka ng dugo?!!! Wala silang kaluluwa! Daig pa nila magnananakaw at holdaper. Sabagay magnanakaw at holdaper siya na nagpaalam. Sino kausap sa loob ang unang bungad sau, kahit sino ang tanungin mo. Kailangan me kontak ka. Naalala ko yung sinabi, wag kang papafixer, lolokohin ka lang! Dinaig ko pa ang nagfixer, at yung nasa loob pa ang nanloko sa akin. Ang siste, akala ko sa 900 ko mapapabilis at alas-dos ko talaga makukuha. Nang binalikan ko pota, sabi no. 56 na e malapit ka na. POOOOOOOOOOta kung pumila pala ako, makukuha ko rin ng walang nasayang na 500. Upo. Hintay. Inip. Tanong ulit ke Zeny, asan na ho ba? Malapit na Hija. Upo. Badtrip. Hintay. Balik ke Zeny. 2:45 na. "Asan na ho maam?!" Nagtataray na ako, nakataas na kilay at umiirap na. Tumayo siya, me kinausap kuno. " Asa gawaan na ng ID." Napamura na ako ng mahina. Punyeta. Sagad na sagad na ako. Kung hindi ko pa talaga makukuha ID ko, babalikan ko talaga at sasabihin kong "Akina 900 ko, di na ako kukuha ng lisensya.!!! Ilang minuto, natawag ang pangalan ko. Nagpakawala ako ng napakalalim na buntong-hininga. Mainit-init pa, hwak na ang lisensya. Diko na binasa, wala na akong lakas. Gusto ko ng umuwi. Nakakadrain ang puyat, pagod, pasensya, at perang naubos.

Juice ko, Zeny babae ka pa naman at empleyado ng gobyerno, bakit ka ganyan. Papano mag-iiba tingin ng tao sa mga empleyadong katulad mo kung masahol ka pa sa buwaya. Empleyado ka pa lang, ganyan ka na paano pa kaya yung matataas na opisyal.? Grabe ka, sobra. Hinabaan ko talaga pasensya ko, kailangan e, saka gusto ko namang ipakita na me pinag-aralan ako. Kaso ikaw, tumanda ka sa ganyang edad juice ko, bakit nagagawa mong manloko ng tao??? Nakapanghihina ka. Paano naman yung mga tao na yung 900 na hinihingi mo e dugo, pawis, laman at ilang buwan nilang pinaghirapan na kitain e lolokohin mo lang?? Wala ka bang konsensya?? Wala ka bang awa??? Grabe ka, nanhihingi ka na kaso wala namang nangyari, pinag-iintay mo pa ng matagal. Aalam ko hindi lang ako ang naloko mo, ikaw yung kitang-kita kong kinakausap ng mga fixer. At oo, alam ng kapwa empleyado mo ginagawa mo. Palihim ko pa ngang inabot yung 1k e, kaso ikaw binuyanyang mo. Dika nahihiya. Garapal ka. Bahala na karma sayo.

PNOy asan na ang matuwid na landas?? E lalo lang bumaloktot.Bulok na bulok ang gobyerno natin. Wala atang government office na malinis. Lahat kailangan ng lagay, padulas. Lahat dapat me kontak ka, kundi uuwi kang naka-nganga! Sa 2014 pa maeexpire lisensya ko. Sana naman kahit papaano, mabawasan ang kurakot para naman masabi ko ng totoo at hindi sarcastically ang " "It's more fun in the Philippines!"

Wednesday, December 21, 2011

YOSI


Ganto yung moment na masarap magsulat. Walang istorbo.Walang nakikipag-agawan sa laptop na walang ginawa kundi magkulit sa harap ng webcam. Walang utos. Walang hinahabol na oras. Ganto yung moment na walang kahit anong ingay, pwera na lang sa electricfan na ka-duet ang mangilan-ngilang lamok na nangangaroling sa madaling araw.

Nakabasa na naman ako ng blog na me "yosi scene". Gagamitin ko yung salitang "epic fail" kahit diko naman alam ang meaning. Iba ang dating sa akin ng nagyoyosi. Kahit noong college ako basta nakakakita ako ng naninigarilyo sa lacson na mga kolehiyala o mga long-hair na taga-music, gusto kong picturan, kaso wala naman akong digicam. Parang anlakas ng appeal na ewan, diko maipaliwanag.

Parang anlalim ng iniisip nila. Angdrama ng dating nung usok na binubuga nila. Yung bawat hitit nila, na parang talagang prinaktis na parang performance sa glee na timing na timing pati ang paghinga at pagpikit ng kanilang mata. Pakiramdam ko, pati segundo ng susunod nilang hitit binibilang pa nila.

Wala akong alam sa art, pero ang depinisyon ng art sa akin e yung 'yosi scene'. Dahil me digicam ako na old school, gusto kong gumawa ng album ng mga nagyoyosi tas gagawa ako ng parang pag coffe table book, tas ilalagay ko sa vintage sala sa ipapagawa kong european house sa alta vida. O di kaya, ididisplay ko sa pader ng aking vintage na sala, yung mga black and white ko na kuha na parang gallery na ang dating.OHA!

Anlayo ko na. At hindi nga pala ako nagyoyosi. Iba lang talaga. Magsusulat ulet ako. Yung mga yosi scene. Gusto ko nung me drama scene, yung heavy at me bed scene. Yung parang No Other Woman na sosyalin ang dating, pero me halong comedy na di mo mapapansin. Gusto kong magsulat. yung tipong mapupublished ulet sa liwayway. At yung feeling na para akong dinadala ng usok ng sigarilyo sa alapaap, dahil once in a lifetime lang yun. (Diba pdng isang chance pa?hehe)

Nawawala siguro kahit ilang segundo problema nila pag nagyoyosi sila. Feeling nila nasa ibang mundo sila. Yung mundo nila na puro usok na hindi nakakasulasok. Yung mundong maputi, minus San Pedro ha. Yung maaliwalas lang. Yung walang nakakarinding sermon ng nanay o misis nila. Yung walang mabahong amoy ng bellas sa kanto. Yung walang malaking mutang view ng jumping-jologs na trying-hard-pasosyal. Yung walang tsismis na pokpok si ano, buntis si ganito, na nakita ko me kasamang kabit si kapitan nico. Yung tahimik lang. Yung maliwanag na parang ayaw mo ng umalis. Tapos biglang bam! Ubos na ang isang stick!!

Ganto yung moment na masarap ng matulog dahil pikit na pikit na ang aking mata. Hindi naman ako bampira o call center agent o gwardya na dapat gising pa. Matutulog na ako sa gitna ng nagvivideokeng laseng sa kabilang kanto na siyang pumupunit sa katahimikan sa ganitong malamok at maalinsangang madaling-araw.

Saturday, July 30, 2011

Channel of Blessings.


Paulit-ulit na umeecho sa isip ko yung sinabi ni Manager Leoni na "channel of blessings". Nabanggit ko kasi sa kanya na gusto kong mag-alaga ng baka. Sabi niya, "Sayang naman tapos ka tas mag-aalaga ka lang ng baka. Alam mo ganto, gumawa ka ng channel of blessings sa kikitain mo. Ibili mo ng baka yung magiging komisyon mo tapos ipaalaga mo sa iba. Kumita ka na, kumita rin sila db?"

Sa totoo lang ganon naman talaga ang balak ko, ipaalaga yung baka. Kaso wala pa akong pambili ng baka.haha. Darating ako doon, darating ako doon. Tatrabahuhin ko iyon.
At yung channel of blessings ay parang sirang plaka na talagang ginising yung minantikang utak ko. Oo nga naman, kung maisshare mo yung blessings mo sa iba gawin mo. Gawin ko.

Nasa jeep ako, galing ng Divisoria. Habang nakahinto ang jeep may isang batang lalaking sumampa at nagpamigay ng sobre na noong una diring-diri ako at dineadma ko. Mga limang taon siguro yung bata. Kumakanta siya pero walang nakakarinig o sadyang hindi sila interesadong makinig. Gusgusin ang kanyang mukha, payat at nangingitim ang damit. Napatingin ako sa labas. May nakita akong mag-ina na nagtitinda ng basahan. Siguro yung bata, wala pang isang taon. Umiiyak siya siguro sa gutom. Naawa ako. Nakonsensya. Binalikan ko yung sobre. Me nakasulat pala, na:

"Kuya= Ate
Pahingi po ng konting tulong, pambili po ng pagkain. Salamat po"

Naalala ko si Nixy. Ayokong danasin niya na manglimos. Ayokong danasin niyang magutom. Sabi nila, yung mga pulubi daw ay pinapatakbo ng sindikato. Yung nakukuha nilang limos ay hindi naman talaga sa kanila napupunta. Meron namang nagsabing, wag kang magbibigay ng pera sa mga pulubi dahil iyong iba pinambibili lang ng rugby. Naalala ko yung sinabi ng lola ko. Magbigay ka kung gusto mo magbigay, huwag mo problemahin kung anong gagawin nila sa perang binigay mo. Ang importante bukal sa puso mo na tumulong ka.

Nang mga oras na iyon, wala akong pagkain na dala kahit gusto kong bigyan siya kahit panandaliang pantawid-gutom.Napatingin ako sa bike ni Nixy, napatingin ako sa mga abubot na pinamili ko. Napakaswerte ko. Kumapa ako ng bente at inilagay ko sa sobre. Nung inabot ko sa bata,sa tingin pa lang alam na niya alin ang may laman sa sobreng hawak niya. Umaliwalas ang mukha niya. Biglang nabuhayan ng pag-asa. Umupo muna siya sa umaandar na jeep saka inisa-isang binuksan ang sobre. Napangiti siya ng nakita ang sobre. Ako rin, napangiti. Bumaba na siya at ipinagyabang sa kapwa bata ang nakuha niya. Naisip ko sa isang araw kaya, ilang beses nalalagyan ang sobre niya??? Gumaan ang loob ko. Sa bente pesos na ibinigay ko, alam ko kahit papaano naishare ko ang blessings na natatanggap ko.

Wednesday, July 27, 2011

Umuulan ng karma.


Si Juaning nakisabay pa. Nakakahiya naman ke Papa Brandon at baka mabasa paa nia ng baha ng Maynila.haha. At baka mabadtrip siya sa concert nila mamyang gabi sa Araneta. Umuulan kasi. Mali. Bumabagyo. Siguro may balat siya sa puwet. Sa dinami-dami ng dinaanan nila sa Asia sa Pinas pa sila inabutan ng bagyo.haha

Si Nixy may balat sa pwet. Naniniwala ako na swerte si Nixy, swerte ang balat sa lahat ng parte ng katawan niya. Siya ang swerte ko. Sa buhay talagang swertehan, dahil hindi naman lahat pwedeng ibigay sa iyo lahat. Pera, kagandahan at kayamanan. Dahil walang taong perpekto. Huwag mo ng isama sila Pokwang at Kim Chu na OA yung bahay, na talaga namang wala kang magagawa kung hindi maiingit.haha.

Anycow, may umaway sa akin. At hinding-hindi ko makakalimutan ang sinabi niya. Matakot daw ako sa karma. Repeat 5x. Ganoon siya kakulit kaya repeat 5x. Hindi ako matatakot sa karma. Sa totoo lang tuwang-tuwa pa ako sa karma. Dahil tuwing umaga at gumigising ako, katabi ko si Nixy, ang swerte sa buhay ko. Andyan ang magulang ko na kahit, oo nadisappoint ko sila madalas (at sana hindi na maulit), bumaligtad man ang mundo o pumuti man ang uwak hindi nila ako pinabayaan. At oo kahit gaano pa ako kasamang anak, nandyaan pa rin sila sa likod ko palaging nakatingin at nakaalalay. Pati mga kaibigan ko, na kahit ilang libong kilometro ang layo namin sa isa't isa nandyaan sila para makipag LOL,LMAO at ROFL habang nagkkwentuhan kung bakit bilog ang buwan at kung bakit kumakanta ng weaaaakkk ang mga baboy.

Karma rin yung may nakakain ako araw-araw, hindi nawawalan ng gatas si Nixy, at malulusog kameng lahat. Yung raket ko sa Philamlife na extra income kahit wala akong puhunan kundi konting tsika at click-click equals me pang La Familia na ako at pambili ng maintenance na gamot ni nanay. Karma yun. GOOD KARMA lahat iyon. Noong linggo lang, inulan ulit ako ng karma, hindi ko inaasahan dahil sa kontento naman ako kung anong meron ako ngayon. Hindi ako naghahangad ng sobra. Ok na ako basta hindi kame nagugutom ni Nixy, may bahay na inuuwian at may malinis na damit na sinusuot. Yung bukas at sa makalawa si Papa Jesus na ang bahala. Oo, alam ko ginamit niya lang na instrumeto si Tatay, at nagpapasalamat ako sa binigay niya. Hindi ako makapaniwala. Dahil di naman ako umaasa. Napakaganda. Malaking tulong para matupad ang mga pangarap ko kay Nixy. Makapag-aral sa magandang eskwelahan, mamuhunan sa negosyo, malibre sila Nanay at Tatay sa masarap na Restaurant at makapamasyal sa magagandang lugar.

Oo, napakasarap mangarap. At sisiguraduhin kong matutupad lahat yon dahil sa karma, dahil sa good KARMA. At para sa umuway sa akin, nagkakamali ka. Hindi ko dapat katakutan ang karma, dahil ang karma swerte ikaw ewan ko tanungin mo na lang sarili mo o kaya si Papa Brandon baka sagutin ka ng "Nice to know you, goodbye!" o kaya try mo parahin si Juaning,at tanungin kung bakit ako inuulan ng karma.

Monday, April 25, 2011

Tukso.


Tara sa iyong panaginip

At doon tayo mag-niig.

Huwag mag-alinlangan

Hindi kita tatakasan.


Halika, tikman ang kasalanan.

Pantasya’y naging totohanan.

Oo, ika’y akin. Akin lang.

Kahit ngayong gabi lamang.

Iyong kaluluwa’y matitikman.


Katawan nati’y magtatagpo sa kalawakan.

Pawis mong kasing tamis ng santan.

Salamat, hiling ko’y napagbigyan.


Huwag mo akong gisingin.Huwag.

Gusto kong magpakalunod.

Magpakalunod sa panaginip na ito.

Tukso huwag munang maging bato.


Dahil gusto kitang angkinin.

Gusto kong maniwala na tayo’y malaya;

Walang tanikala sa leeg at paa.

Na siyang tutol sa nagpupumiglas na ligaya.


Kailan ba ang sunod na panaginip?

Nang Ika’y maabangan sa ating tagpuan

Iipipikit ang mata, gagalingan ang pagbilang ng tupa.

Sana’y huwag mo akong biguin sinta.