Wednesday, December 21, 2011

YOSI


Ganto yung moment na masarap magsulat. Walang istorbo.Walang nakikipag-agawan sa laptop na walang ginawa kundi magkulit sa harap ng webcam. Walang utos. Walang hinahabol na oras. Ganto yung moment na walang kahit anong ingay, pwera na lang sa electricfan na ka-duet ang mangilan-ngilang lamok na nangangaroling sa madaling araw.

Nakabasa na naman ako ng blog na me "yosi scene". Gagamitin ko yung salitang "epic fail" kahit diko naman alam ang meaning. Iba ang dating sa akin ng nagyoyosi. Kahit noong college ako basta nakakakita ako ng naninigarilyo sa lacson na mga kolehiyala o mga long-hair na taga-music, gusto kong picturan, kaso wala naman akong digicam. Parang anlakas ng appeal na ewan, diko maipaliwanag.

Parang anlalim ng iniisip nila. Angdrama ng dating nung usok na binubuga nila. Yung bawat hitit nila, na parang talagang prinaktis na parang performance sa glee na timing na timing pati ang paghinga at pagpikit ng kanilang mata. Pakiramdam ko, pati segundo ng susunod nilang hitit binibilang pa nila.

Wala akong alam sa art, pero ang depinisyon ng art sa akin e yung 'yosi scene'. Dahil me digicam ako na old school, gusto kong gumawa ng album ng mga nagyoyosi tas gagawa ako ng parang pag coffe table book, tas ilalagay ko sa vintage sala sa ipapagawa kong european house sa alta vida. O di kaya, ididisplay ko sa pader ng aking vintage na sala, yung mga black and white ko na kuha na parang gallery na ang dating.OHA!

Anlayo ko na. At hindi nga pala ako nagyoyosi. Iba lang talaga. Magsusulat ulet ako. Yung mga yosi scene. Gusto ko nung me drama scene, yung heavy at me bed scene. Yung parang No Other Woman na sosyalin ang dating, pero me halong comedy na di mo mapapansin. Gusto kong magsulat. yung tipong mapupublished ulet sa liwayway. At yung feeling na para akong dinadala ng usok ng sigarilyo sa alapaap, dahil once in a lifetime lang yun. (Diba pdng isang chance pa?hehe)

Nawawala siguro kahit ilang segundo problema nila pag nagyoyosi sila. Feeling nila nasa ibang mundo sila. Yung mundo nila na puro usok na hindi nakakasulasok. Yung mundong maputi, minus San Pedro ha. Yung maaliwalas lang. Yung walang nakakarinding sermon ng nanay o misis nila. Yung walang mabahong amoy ng bellas sa kanto. Yung walang malaking mutang view ng jumping-jologs na trying-hard-pasosyal. Yung walang tsismis na pokpok si ano, buntis si ganito, na nakita ko me kasamang kabit si kapitan nico. Yung tahimik lang. Yung maliwanag na parang ayaw mo ng umalis. Tapos biglang bam! Ubos na ang isang stick!!

Ganto yung moment na masarap ng matulog dahil pikit na pikit na ang aking mata. Hindi naman ako bampira o call center agent o gwardya na dapat gising pa. Matutulog na ako sa gitna ng nagvivideokeng laseng sa kabilang kanto na siyang pumupunit sa katahimikan sa ganitong malamok at maalinsangang madaling-araw.

Saturday, July 30, 2011

Channel of Blessings.


Paulit-ulit na umeecho sa isip ko yung sinabi ni Manager Leoni na "channel of blessings". Nabanggit ko kasi sa kanya na gusto kong mag-alaga ng baka. Sabi niya, "Sayang naman tapos ka tas mag-aalaga ka lang ng baka. Alam mo ganto, gumawa ka ng channel of blessings sa kikitain mo. Ibili mo ng baka yung magiging komisyon mo tapos ipaalaga mo sa iba. Kumita ka na, kumita rin sila db?"

Sa totoo lang ganon naman talaga ang balak ko, ipaalaga yung baka. Kaso wala pa akong pambili ng baka.haha. Darating ako doon, darating ako doon. Tatrabahuhin ko iyon.
At yung channel of blessings ay parang sirang plaka na talagang ginising yung minantikang utak ko. Oo nga naman, kung maisshare mo yung blessings mo sa iba gawin mo. Gawin ko.

Nasa jeep ako, galing ng Divisoria. Habang nakahinto ang jeep may isang batang lalaking sumampa at nagpamigay ng sobre na noong una diring-diri ako at dineadma ko. Mga limang taon siguro yung bata. Kumakanta siya pero walang nakakarinig o sadyang hindi sila interesadong makinig. Gusgusin ang kanyang mukha, payat at nangingitim ang damit. Napatingin ako sa labas. May nakita akong mag-ina na nagtitinda ng basahan. Siguro yung bata, wala pang isang taon. Umiiyak siya siguro sa gutom. Naawa ako. Nakonsensya. Binalikan ko yung sobre. Me nakasulat pala, na:

"Kuya= Ate
Pahingi po ng konting tulong, pambili po ng pagkain. Salamat po"

Naalala ko si Nixy. Ayokong danasin niya na manglimos. Ayokong danasin niyang magutom. Sabi nila, yung mga pulubi daw ay pinapatakbo ng sindikato. Yung nakukuha nilang limos ay hindi naman talaga sa kanila napupunta. Meron namang nagsabing, wag kang magbibigay ng pera sa mga pulubi dahil iyong iba pinambibili lang ng rugby. Naalala ko yung sinabi ng lola ko. Magbigay ka kung gusto mo magbigay, huwag mo problemahin kung anong gagawin nila sa perang binigay mo. Ang importante bukal sa puso mo na tumulong ka.

Nang mga oras na iyon, wala akong pagkain na dala kahit gusto kong bigyan siya kahit panandaliang pantawid-gutom.Napatingin ako sa bike ni Nixy, napatingin ako sa mga abubot na pinamili ko. Napakaswerte ko. Kumapa ako ng bente at inilagay ko sa sobre. Nung inabot ko sa bata,sa tingin pa lang alam na niya alin ang may laman sa sobreng hawak niya. Umaliwalas ang mukha niya. Biglang nabuhayan ng pag-asa. Umupo muna siya sa umaandar na jeep saka inisa-isang binuksan ang sobre. Napangiti siya ng nakita ang sobre. Ako rin, napangiti. Bumaba na siya at ipinagyabang sa kapwa bata ang nakuha niya. Naisip ko sa isang araw kaya, ilang beses nalalagyan ang sobre niya??? Gumaan ang loob ko. Sa bente pesos na ibinigay ko, alam ko kahit papaano naishare ko ang blessings na natatanggap ko.

Wednesday, July 27, 2011

Umuulan ng karma.


Si Juaning nakisabay pa. Nakakahiya naman ke Papa Brandon at baka mabasa paa nia ng baha ng Maynila.haha. At baka mabadtrip siya sa concert nila mamyang gabi sa Araneta. Umuulan kasi. Mali. Bumabagyo. Siguro may balat siya sa puwet. Sa dinami-dami ng dinaanan nila sa Asia sa Pinas pa sila inabutan ng bagyo.haha

Si Nixy may balat sa pwet. Naniniwala ako na swerte si Nixy, swerte ang balat sa lahat ng parte ng katawan niya. Siya ang swerte ko. Sa buhay talagang swertehan, dahil hindi naman lahat pwedeng ibigay sa iyo lahat. Pera, kagandahan at kayamanan. Dahil walang taong perpekto. Huwag mo ng isama sila Pokwang at Kim Chu na OA yung bahay, na talaga namang wala kang magagawa kung hindi maiingit.haha.

Anycow, may umaway sa akin. At hinding-hindi ko makakalimutan ang sinabi niya. Matakot daw ako sa karma. Repeat 5x. Ganoon siya kakulit kaya repeat 5x. Hindi ako matatakot sa karma. Sa totoo lang tuwang-tuwa pa ako sa karma. Dahil tuwing umaga at gumigising ako, katabi ko si Nixy, ang swerte sa buhay ko. Andyan ang magulang ko na kahit, oo nadisappoint ko sila madalas (at sana hindi na maulit), bumaligtad man ang mundo o pumuti man ang uwak hindi nila ako pinabayaan. At oo kahit gaano pa ako kasamang anak, nandyaan pa rin sila sa likod ko palaging nakatingin at nakaalalay. Pati mga kaibigan ko, na kahit ilang libong kilometro ang layo namin sa isa't isa nandyaan sila para makipag LOL,LMAO at ROFL habang nagkkwentuhan kung bakit bilog ang buwan at kung bakit kumakanta ng weaaaakkk ang mga baboy.

Karma rin yung may nakakain ako araw-araw, hindi nawawalan ng gatas si Nixy, at malulusog kameng lahat. Yung raket ko sa Philamlife na extra income kahit wala akong puhunan kundi konting tsika at click-click equals me pang La Familia na ako at pambili ng maintenance na gamot ni nanay. Karma yun. GOOD KARMA lahat iyon. Noong linggo lang, inulan ulit ako ng karma, hindi ko inaasahan dahil sa kontento naman ako kung anong meron ako ngayon. Hindi ako naghahangad ng sobra. Ok na ako basta hindi kame nagugutom ni Nixy, may bahay na inuuwian at may malinis na damit na sinusuot. Yung bukas at sa makalawa si Papa Jesus na ang bahala. Oo, alam ko ginamit niya lang na instrumeto si Tatay, at nagpapasalamat ako sa binigay niya. Hindi ako makapaniwala. Dahil di naman ako umaasa. Napakaganda. Malaking tulong para matupad ang mga pangarap ko kay Nixy. Makapag-aral sa magandang eskwelahan, mamuhunan sa negosyo, malibre sila Nanay at Tatay sa masarap na Restaurant at makapamasyal sa magagandang lugar.

Oo, napakasarap mangarap. At sisiguraduhin kong matutupad lahat yon dahil sa karma, dahil sa good KARMA. At para sa umuway sa akin, nagkakamali ka. Hindi ko dapat katakutan ang karma, dahil ang karma swerte ikaw ewan ko tanungin mo na lang sarili mo o kaya si Papa Brandon baka sagutin ka ng "Nice to know you, goodbye!" o kaya try mo parahin si Juaning,at tanungin kung bakit ako inuulan ng karma.

Monday, April 25, 2011

Tukso.


Tara sa iyong panaginip

At doon tayo mag-niig.

Huwag mag-alinlangan

Hindi kita tatakasan.


Halika, tikman ang kasalanan.

Pantasya’y naging totohanan.

Oo, ika’y akin. Akin lang.

Kahit ngayong gabi lamang.

Iyong kaluluwa’y matitikman.


Katawan nati’y magtatagpo sa kalawakan.

Pawis mong kasing tamis ng santan.

Salamat, hiling ko’y napagbigyan.


Huwag mo akong gisingin.Huwag.

Gusto kong magpakalunod.

Magpakalunod sa panaginip na ito.

Tukso huwag munang maging bato.


Dahil gusto kitang angkinin.

Gusto kong maniwala na tayo’y malaya;

Walang tanikala sa leeg at paa.

Na siyang tutol sa nagpupumiglas na ligaya.


Kailan ba ang sunod na panaginip?

Nang Ika’y maabangan sa ating tagpuan

Iipipikit ang mata, gagalingan ang pagbilang ng tupa.

Sana’y huwag mo akong biguin sinta.

Thursday, March 31, 2011

kahit isang gabi lang.




Eksenang todo-porma.Naka tshirt, naka skinny jeans, at naligo ng pabango dahil tyak maraming cute na boylet ang pupunta si gig. Isama mo na si Lourd de Veyra na patay na patay ka (ano kaya itsura ng anak namen, kung kame nagkatuluyan.haha).

Pinag-ipunan talaga ng isang buwan yung gagastusin sa gabing iyon. Medyo dyeta muna sa pagkain, tipid mode sa baon, makita lamang ang iniidolong banda na baka gusto mong pumatay pag hindi pag hindi sila pupunta.

Kasama ang BFF sa pag-iintay habang tinitira ang pizza at malamig na san mig light. Medyo hindi munang sikat na banda,pero iniispatan yung cute na gitarista o ma-appeal na bokalista.Pasimpleng nagpapakyut. Kindat rito, at ngumingiti ng malandi.

Nakakamis yung mga eksenang pag dumating na yung sikat na banda, magsisitayuan na ang lahat.Halos napuno ang maliit na kwarto. Tyak patay ang daga, pag napagtripan niyang magpatintero sa gitna ng mga nagkakasayang tao. Mga empleyadong hindi na nagpalit ng uniform, mga estudyanteng me kanya-kanyang bandang sinusuportahan, mga hippies na todo-pacute sa mga super deadly na gitarista na naguumapaw sa appeal, o mga medyo oldies na siguro katropa yung mga bandang medyo nauna ng konti sa facebook.

Nakakamis yung mga eksenang magsisigawan na ang lahat, nag mimictest palang yung sikat na bokalista. Walang patumangga ang nakakasilaw na flash ng camera. Wala kang makikitang mga dalagang hindi nakanganga sa poging bahista, at mga ngiti na marinig lamang ang paboritong kanta kahit ilang minuto lang na katumbas ng dalawang-daan.

“Pwedeng papiktyur?”

Haharangin si super hotness na bahista. At tatabi ng konti, halos malaglag ang panty ng inakbayan pa at naamoy ang kanyang naglalangis at namamawis na katawan. Nanginginig sa kilig. Ang ngiti hindi maipinta, mukang mumurahin si Monalisa. Click click! Tuwang-tuwa si gaga. Iuupload kagad at gagawing profile pic.

Gusto ko na ulit manood ng gig. Kahit isang gabi lang.
Kahit isang gabi lang na makainom ulit ng alak habang dinuduyan ako sa mga awiting palaging nirerequest ng mga conyo sa radyo.
Gusto ko ulit makita sa personal ang mga naggwapuhang bokalista.
Wala akong pakialam kahit me karay silang girlfriend o asawa.
Gusto ko lang malunod sa pakiramdam, na ang gabing iyon ay akin lang.
Gabing hindi ko maririnig ang aming tawanan.
Gusto kong magpakalunod sa alak. Sa kilig. Sa ngiti. Sa nakakabulag na flash ng camera.
Sa mga naggwapuhang lalake, at higit sa lahat sa sandaling nawawala ako sa sarili.

Gusto kong manood ng gig. Kahit isang gabi lang. Kahit isang nakaw na gabi lang.