Namimilog na ang mga luha sa mata ni Jupiter, ang apat na taon at nag-iisa kong anak na babae. Kanina pa naming siya pinagpapasa-pasahan ni Carlos, ang asawa kong alagad ng sining-isang pintor. Hinihila niya ang dulo ng aking short habang inuungot na kunin ko ang photoalbum sa cabinet, may kukunin daw siyang mga piktyur. Sinabi kong kailangan kong tapusin ang sinusulat ko, hindi ako pwedeng maistorbo at iniguso ko ang kinatatayuan ng kanyang ama. Mabilis na umalis siya sa aking tabi at patakbong pinutahan ang kanyang ama . Walang ano-ano nakasibangot ng lumapit sa akin si Jupiter.
“De daw pede si …papa” at sinundan na ng pagpalahaw ng iyak. Lihim akong natawa at nang napatingin ako sa aking asawa ay tumatawa ito habang naghahalo ng pintura. Wala akong nagawa kundi samahan ang umiiyak naming anghel. May assignment daw sila, pinagdadala sila ng titser nila ng family picture.
Inabot kami ng dalawang oras hindi dahil sa pagpili ng larawan, ngunit kinailangan kong sagutin ang lahat ng tanong ni Jupiter at magkwento tungkol sa bawat larawang nakita niya. Aktong ibabalik ko na ang photoalbum nang biglang may nahulog na litrato. Kinuha iyon ni Jupiter at nagtanong.
“Ma, sino to?”
Magara ang bestida kong pula, at nakalugay ang hanggang balikat kong buhok, JS Prom noong huling taon ko sa High School. Katabi ko ang isang binatang singkit ang mga mata at medyo may katabaan- si Kiko. Isang mapait na ngiti ang gumuhit sa aking labi dahil pinalala sa akin ang multo ng kahapon na pilit kong binbaon sa limot.
Isa akong tahimik na bata at palaging mag-isa noong elementarya. Dahil wala akong mamahaling laruang manika gaya ng aking mga kaklaseng babae, kaya walang gustong makipag-kaibigan sa akin, sapagkat kami’y mahirap lamang. Si Kiko naman ay mas gustong kaharap ang makakapal na libro sa halip na sumama sa makukulit naming kaklaseng lalaki.
Nagsimula ang lahat ng kumakain ako mag-isa sa isang sulok ng kantina, na tanging isang stick ng banana-que at tubig ang aking meryenda, ng biglang may tumabi sa akin. Muntik ko nang mailuwa ang kinakain ko, nang biglang may tumambad sa akin na isang batang lalaki na may malalaki at makakapal na salamin na halos kainin na ang buo niyang mukha-na walang iba kundi si Kiko. Iyon ang una ngunit hindi huling pag-uusap namin ni Kiko
Kami na palagi ang madalas magkasama, naimpluwensyahan na din niya ako sa pagbabasa. Siya madalas mga nobelang may kakaibang tema, samantalang ako ay nahilig sa literatura. Kahit saan magpunta, kaming dalawa ang magkasama; tuwing break time at uwian at kapag Field Trip kami palagi ang magkatabi. At kung may maghahanap sa amin, isang lugar lang ang ituturo- ang aklatan; na tambayan ni Kiko na naging tambayan ko na rin.
Nakatapos na kami sa elementarya at lalong tumatag ang aming pagkakaibigan nang tumuntong kami ng High School. Sa aming dalawa walang anuman ang pagkikilitian at harutan ngunit sa mata ng tao mayroon na palang nabubuong malisya. Kaya hindi napigilan ang madalas pagkatuwaan ng kabataan- ang tuksuhan. Madalas din kaming ginagawang musa at eskorte ng aming klase, sapagkat bagay daw kami. May lahing intsik si Kiko kaya tsinito, idagdag pa ang kanyang malalalim na biloy sa kanyang pisngi na lumilitaw sa tuwing siya’y ngumingiti; ako naman ay may gandang espanyola na minana ko sa aking Ina na may lahing kastila.
Nahasa ang aking kakayahan sa pagsusulat sa mga librong binabasa ko, kung kaya’t naging manunulat ako sa dyaryo ng aming paaralan; samantalang si Kiko ay nahilig sa Syensya idagdag pa, na siya ang nangunguna sa klase. Marahil kabisado- kabisado na namin ang likaw ng bituka ng bawat isa. Wala kaming tinatagong sekreto, sapagkat pinatatag na ng panahon ang tiwala namin sa isa’t isa. Lalong tumindi ang tuksuhan, ng kumalat sa buong klase na hinahatid ako ni Kiko tuwing uwian at pati ang ilang guro ay napagkakamalang mayroong namumuong relasyon na higit sa pagkakaibigan. At ang palagi kong sagot ay “Wala po, magkaibigan lang kami ni Kiko.”
Dumating ang pasko, madaming naghiyawan sa kilig nang binigyan ako ni Kiko ng mamahaling kwintas. Noong una ay ayaw kong tanggapin, sapagkat alam kong ang presyo noon ay may kamahalan,ngunit mapilit si Kiko ang giit niya ay simbolo iyon ng aming pagkakaibigan. Hindi na ako nagtaka sapagkat noon pa man ay elegante na si Kiko, sapagkat galing siya sa mayamang pamilya.
Sabado. Inaya ako ni Kiko sa kanilang bahay na doon mananghalian, sapagkat ipakikilala daw niya ako sa kanyang mga magulang na kadadating lamang mula Tsina. Mainit ang pagtanggap sa akin na kanyang ama na isang Pilipino, madaming tanong at likas na palabiro. Ngunit ang kanyang Ina naman ay kabaligtaran, malamig ang pakikitungo at hindi ako kinikibo. Bago mag-ala- singko ay nagpaalam na ako, at nagpumilit si Kiko na ihahatid ako. Pumayag ang kanyanyang ama, ngunit nang nagpaalam siya sa kanyang Ina, nakita kong nakakunot ang mukha ni Kiko. Wala akong maintindihan sa kanilang pag-uusap, sapagkat lenggwaheng Intsik ang kanilang ginamit marahil upang hindi ko maintindihan, ngunit marunong ako makaramdam. Sa madaling salita, umuwi ako mag-isa sapagkat hindi siya pinayagansa kadahilanang may ipapagawa daw sa kanya ang Ina.
JS Prom, nabingi ako sa lakas ng sigawan ng mga babae ng inabutan ako ni Kiko ng pumpon ng rosas, sinabi ko na lamang sa aking sarili na sadyang malambing si Kiko at wala ng ibang dahilan. Nang gabi ding iyon, kami ang tinanghal na Mr. and Ms. JS, na hindi na pinagtakhan ng karamihan. Ngunit ang aking ikagulat ay ang nangyari bago kami mag-uwian.
Hinawakan ni Kiko ang aking kamay at lumuhod sa harapan ko, at saka nagtapat.
“Gigi, would you be my girlfriend?” muntik na akong himatayin sa kilig, sapagkat matagal ko nang inililihim ang aking nararamdaman. Mangiyak-ngiyak ako sa tuwa, ngunit pinigil ko ang aking luha.
“Pag-iisipan ko muna, masyadong mabilis ang mga pangyayari.” Pinairal ko ang tipikal na gawain ng kababaihan-ang magpakipot.
“Hindi naman kita minamadali, pero kailan mo ako sasagutin?”
“Pag-iisipan ko muna.”
Walang nagbago sa aming samahan, kahit palagi niya akong kinukulit kung kailan ko siya sasagutin, habang lihim akong kinikilig kapag kami ang paksa ng tuksuhan. Magkasama kaming nagplano kung anong kurso ang kukunin at kung saan kami magkokolehiyo . Kaya tuloy madaming nagsasabing kami ni Kiko ang magkakatuluyan, at ang tanging makapaghihiwalay sa amin ay kamatayan.
Araw ng aming pagtatapos, sinagot ko siya nang gabing iyon. At kitang-kita ko sa kanyang mga mata ang kasiyahan. Ngunit nawala lahat ang aming pangarap, nang inilihim kay Kiko ang pag-alis nila patungong Tsina. Inilayo siya sa akin, sapagkat noong una pa lang ay tutol na ang kanyang Ina sa aming pagkakaibigan , at tuluyang naputol ang aming ugnayan.
Sampung taon ang nakalipas. Isa na din akong alagad ng sining, isang manunulat.Isa na akong editor-in chief nang isang kilalang magasin para sa mga kababaihan. Natupad na ang aking pangrap. Naiahon ko na sa hirap ang aking pamilya, at maligaya sa piling ng aking kasintahan na si Carlos-isa ring alagad ng sining, isa siyang pintor. Masaya na ako at marahil tuluyang nalimot ang mapait na nakaraan naming ni Kiko.
Isang maulan na Byernes.Kalahating oras na akong nag-aabang ng taxi at hindi mapakali sapagkat may usapan kami ni Carlos na manonood ng Indie Film sa CCP. Mabilis kong binuksan ang pintuan ng taksi upang sumakay, nagulat na lamang ako nang may katabi ako- si Kiko. Natulala ako at ramdam kong bumilis ang tibok ng aking puso. Unti-unting nabuhay ang damdaming inakalang nilimot na ng panahon.
Binigyan ng direksyon n Kiko ang driver ng taxi, at hindi ako tumutol. Tumatawag sa aking cellphone si Carlos, ngunit hindi ko sinagot at sa halip ay pinatay ko. At nakangiting humarap kay Kiko.
Sa isang kilalang Hotel kami naghapunan. Noong una, walang nagsasalita pawang mga mata namin ang nagsasalita. Hindi nakatiis, at halos magkasabay pa kaming bumasag ng katahimikan at sinundan ng malutong na tawanan. Nagkwentuhan kami na parang walang bukas, na parang hindi tumatakbo ang oras. Isang doktor na pala siya at namatay ang kanyang Ina dalawang taon na ang nakalilipas.Nadala kami ng emosyon at hindi namin napigilan ang kasabikan. Nauhaw kami sa panahong pinagkait sa bawat isa. Inumaga kami sa nakaw na sandali, at bago kami naghiwalay ay nagkaroon ng tapatan.
“Gigi, ikakasal na ako sa Linggo, pero masaya ako nagkita ulit tayo.”
“Ako din masaya, at engaged na rin ako.”
Hindi na ako lumingon ng naghiwalay na kami ng direksyon. Sa bawat hakbang ng aking paa, nag-isip ako ng dahilan para mapaniwala si Carlos kung bakit ako hindi nakarating kagabi.
Gaya ng inaasahan ko, nagtampo si Carlos, nagkaroon ng sagutan ngunit nauwi din sa malalambing na kalmutan.
“Hon, tingnan mo itong nasa dyaryo. Hindi ba ito si Francisco?Yung palagi mong kinukwento sa akin na kababata mo?”
“OO nga ano.” Ang pag sang-ayon ko, kahit ramdam kong may kumurot sa aking puso.
“Tingnan mo nga naman, Doktor din pala ang napangasawa at kapag mayaman nga naman, pati bonggang birthday ng anak dyinadyaryo mo pa!”dugtong ni Carlos
“Naingit ka na naman. Pabayaan mo at sa susunod na birthday ni Jupiter e gagawin kong article at tatadtadin ko ng piktyur!”at saka malambing na kinurot ang aking asawa.
Dahan-dahan kong pinunit ang larawan namin ni Kiko at saka ipinamulsa. Kinarga ko si Jupiter na nakakunot ang ulo na marahil nagtataka kung ano ang pinag-uusapan namin ng kanyang ama.
Para akong binunutan ng tinik, nang hindi na siya nag-usisa sa nahulog na larawan. Basura na ang larawan namin ni Kiko, ngunit si Jupiter ay hindi isang litrato. Kahit anong limot ang gawin ko, hindi ko mababaon sa limot si Kiko sapagkat si Jupiter ang bunga at alaala ng gabi ng aming kataksilan. At wala akong balak ipaalam kay Carlos at kay Kiko, sapagkat habang buhay ko itong isesekreto. Dahil magugulo lamang ang masasaya at ang kanya-kanyang pamilya namin ni Kiko.