Wednesday, June 25, 2008

Battery-empty


Isang oras na akong naghihintay sa kanya. Tumawag na rin ako sa bahay nila, pero ang sabi umalis na daw. Tinext ko na din sya, pero di naman nagrereply. Hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asa, dahil kahit kailan hindi siya sumira sa pangako, lalo na sa araw na ‘to.

Matalik kong kaibigan si Cabby . Nagsimula ang aming pagkakaibigan noong ikalawang taon namin sa kolehiyo, at ngayon ilang buwan na lang magtatapos na kami sa kursong Edukasyon. Naalala ko tuloy nung nasa unang araw ng ikalawang semestre, pauwi na ako noon ngunit biglang buhos ang malakas na ulan na parang nakikidalamhati sa akin dahil kanina lang ay kumalas na sa aming relasyon ang aking kasintahan. Kalahating oras din akong nagpatila ng ulan, ngunit parang walang balak ang langit na tumigil sa kakaiyak, kaya napagdesisyunan kong takbuhin na lang ang sakayan ng jeep. Sa paghakbang ko pa lamang, may humawak na sa aking balikat. Nang tumalikod ako, nakita ko si Cabby at pinapayungan na ako.

Pagkatapos noon, parang walang nangyari at patuloy ang normal naming buhay. May barkada siyang palaging kasama at idagdag pa na may kasintahan sya, ako naman ay mahilig mag-isa. Sinasadya talaga ng tadhana na paglapitin kami. Sa isang proyekto na magkakapareha, kami ang naging magkagrupo. Sa baby-thesis na aming nirerepaso, madalas kami sa library.Sa mga panahon ding iyon nakipag-break si Cyrille, ang girlfriend nya, ang dahilan- may nakitang mas mayaman sa kanya.

Isang linggo bago magbakasyon, napagdesisyunan ng barkada na magkaroon ng overnight para naman daw magkabonding bago magkahiwa-hiwalay. Hindi na ako nagpaalam, tutal naman hindi rin ako papayagan.

Dumating ang gabing hinihintay. Nabigla kaming dalawa ni Cabby dahil nandoon ang ex nya at ang ex ko, at mukhang sila na. Marami tuloy ang nang-aasar at nanunukso.Kahit pumipintig ang aming punong-tenga sa galit, hindi kami nagpahalata.

Nan- OPLAN SELOS. Magpapangngap kami at pagseselosin namin sila, dahil mahal pa rin namin silang dalawa at gusto namin balikan nila kami. Pero ang usapan, walang madedevelop at kung meron man sabihin kaagad para maputol ang aming pagkakaibigan at isusumpa ang naging taksil sa kasunduan.

At nagsimula ang pag-arte kahit walang kurtina. Nagsusubuan kami, gaya naman sila; nagpapahiran sila ng pawis, naglalagayan naman kami ng sapi sa likod; sinusuklayan ako ni Cabby, nagtitirintasan naman sila; nagyakapan sila, nagdantayan naman kami. Hindi kami sumuko at mukhang epektibo naman ang aming ginawa, dahil ang sasama ng tingin nila!

Kinabukasan inihatid ako ni Cabby sa terminal ng bus dahil uuwi na ako sa Bataan. Masayang-masaya kami at nagpustahan pa na baka mamaya lang ay magtetext na iyon at magmamakaawang makikipagbalikan.

Sa loob ng bakasyon, wala kaming ginawa kundi magtawagan. Nalungkot kami dahil hindi man lang nagparamdam ang dalawa, pero di bale na, mas gagalingan na lang namin ang pag-arte. May ipinagtapat siya sa akin, na aking ikinalungkot. Sa susunod na semestre ay malabo daw siyang makapag-aral, naubos ang kanyang pang-matrikula sa pagpapagamot sa kanyang amang may sakit. Nakakapanghinayang kapag nangyari yun, matalino pa naman siya. Pinahiram ko muna siya ng aking naipon, tutal naman wala akong masyadong pinagkakagastusan.

Pasukan na naman. Lalong tumindi ang aming pagpapangngap. Masyadong naging sweet ang aming pinagseselosan, kaya kami umariba sa pag-arte. Palagi silang magkatabi, nagyayakapan kapag walang klase at nagsusubuan kapag kumakain kasama ang barkada. Hindi kami magpapatalo, sumasabay din kami at sa puntong ito sinisigurado namin na babalikan na nila kami.

Mas naging malapit kami sa isat’isa dahil pareho kami ng kinuhang major. Marami na ang nagtatanong kung kami ba, ang sagot “OO”, dahil kasama yun sa usapan. Pati tuloy ang iba naming propesor tinutukso na rin kami.

Nakabawi na ang pamilya ni Cabby sa nagdaang unos sa kanilang buhay. Ngunit sa sem-break na dumating, ako naman ang natabingan ng maitim na ulap. Namatay ang aking ama dahil sa sakit sa puso. Si Cabby ang aking naging sandalan. Hinto muna ang pagpapangngap ngunit walang pagbabago sa aming ikinikilos. Umuwi siya ng Bataan para makiramay. Tinutulungan nya ako sa pag-aasikaso, tuloy may nagtatanong kung kasintahan ko ba siya. Ang sagot “Hindi po, matalik na kaibigan ko lang po sya.”

Sa paglipas ng araw, masyado siyang naging maalalahanin. Palagi siyang nagtetext at nangnangnamusta. Madalas pa na magpadala ng quotes. May iba na akong nararamdaman. Pero hindi pwede, ayokong masira ang aming pagkakaibigan. Itatago ko na lamang at aarte na lang ako, tutal yun naman talaga ang usapan.

Magaling talaga akong artista, hindi niya nahalata. Ngunit nagulat ako sa kanyang ibinalita, nakikipagbalikan na daw sa kanya ang ex niya. Naguguluhan na daw siya, tinanung ko kung bakit. May kumurot sa aking puso ng sabihin niyang may iba na raw siyang natitipuhan.

“Eh di ligawan mo, problema ba yun?”

“Nahihiya ako e. Baka sampalin ako.”

“Eh di isama mo ako, at sasampalin ko din.”

“Paano ba pwede kong gawin?”

“Naku, ang mga babae ngayon pakipot masyado. Kunwari ayaw ng bulaklak pero deep-inside kinikilig sila kapag may nagbigay ng isang boquet ng rosas.”

Doon natapos ang aming usapan dahil sa sumunod na klase ay hindi kami magkatabi. Inaya niya ako na lumabas mamayang gabi, ililibre daw niya ko dahil matagumpay ang aming OPLAN-SELOS.

Bumili ako ng bagong simcard sapagkat hiniram ng bunso kong kapatid yung sun cellular ko. Tinatawagan ko siya, ngunit nakapatay ang kanyang cellphone. Natapos ang isa’t kalahating oras kong paghihintay. Nagpapapasyahan ko nang umalis dahil mag-aalas-dyes na ng gabi. Mabibigat ang aking mga hakbang, dahil sa pagkabigo na makita siya, kung kailan ipagtatapat ko na sana ang aking nararamdaman. Isa pang nagpakabagabag sa aking pag-iisip kung bakit hindi man lang siya nagpasabi na hindi sya makakarating.

Pagkatapos kong maligo at nang matuyo ang aking buhok, natulog na ako. Naalipungatan ako ng nag-ring ang cellphone ko. Hindi naka-register ang numero, ngunit sinagot ko pa rin.

“Hello, sino po ito?”

“Jet, si Cab ‘to. Syensiya di ako nakapunta kanina. Kasi ganito…”

“Naku, tumahimik ka hindi mo ba alam namuti ang mata ko sa kakahintay sa ‘yo?Tapos magsosorry ka lang?!Humanda ka bukas…”

Let me explain, ok?Makinig ka please?”

“O sige, pakinggan ko nga ang drama mo.”

On the way na talaga ako, kaya lang may nakita akong misis na manganganak, sa kariton lang siya nakasakay, naawa ako kaya ayun pinasakay ko sa kotse. Pagdating sa ospital hindi ko maiwan kasi wala siyang kasama. Sorry talaga, babawi na lang ako bukas. Pangako.”

“Napakabait mo naman, e ba’t di ka man lang nagtext?”

“Di kita makontak, out of coverage area e. Ngayon ko lang nakuha itong bagong number mo e.”

“Sige na, matulog ka na. Pagod ka panigurado, mag-ipon ka ng lakas dahil magwrewrestling tayo bukas.”

“Nga pala Jet, salamat sa lahat ha. Pasensya nga pala sa kakulitan ko at pagka isip-bata. Ang swerte ko nakilala kita.”

“Lasing ka ba o inaantok ka na ata?”

“Jet may itatanong ako.”

“Magagalit ka ba kapag sinabi kong mahal na kita?”

Naputol ang linya.


Battery-empty na pala ako. Naghagilap kaagad ako ng charger. Pinilit kong tawagan ang numerong ginamit nya, ngunit ang sabi unattended or out of coverage area. Baka low-bat na rin siya. Natulog na ulit ako. Ngunit wala pang kalahating oras ay may tumatawag na naman- ang mommy nya. Hindi makapagsalita si tita, natawa ako sa sinabi niya-patay na daw si Cabby. Sabi ko hindi pwede yun, kakatawag niya lang kanina. Nabunggo daw ng rumaragasang bus habang patawid at may bitbit na mga rosas. Naghatid po ng buntis sa ospital, pagpupumulit ko. Wala siyang dalang kotse, katwiran nya.

Nagpaalam na ako at sinabing susunod na ako sa punerarya. Natulala ako sa aking nalaman.Pinikit ko ang aking mga mata upang balikan ang aming alaala. Ganon kabilis ang pangyayari, sigaw ng utak ko na imposible. Naramdaman ko na lamang na may malamig na hanging dumampi sa aking labi.


6 comments:

Anonymous said...

=O!!!

bat ganun ung ending..?
='<

Anonymous said...

this story was published in LIWAYWAY last April 4, 2006 with a title "Oplan-Selos"

Anonymous said...

anu ba ung ending?

KHAYE KHAYE IS HERE!

Anonymous said...

nakakilig na nakakakilabot!!!! ayyy!!!!!!!!!
ang gwapo ni cabby!!!!
ang kyut ni........
ang kyut ni jet!!!!!!!

girlindlibrary said...

*all my characters name starts with letter C.try to ask me why.

Anonymous said...

why?