Saturday, July 30, 2011

Channel of Blessings.


Paulit-ulit na umeecho sa isip ko yung sinabi ni Manager Leoni na "channel of blessings". Nabanggit ko kasi sa kanya na gusto kong mag-alaga ng baka. Sabi niya, "Sayang naman tapos ka tas mag-aalaga ka lang ng baka. Alam mo ganto, gumawa ka ng channel of blessings sa kikitain mo. Ibili mo ng baka yung magiging komisyon mo tapos ipaalaga mo sa iba. Kumita ka na, kumita rin sila db?"

Sa totoo lang ganon naman talaga ang balak ko, ipaalaga yung baka. Kaso wala pa akong pambili ng baka.haha. Darating ako doon, darating ako doon. Tatrabahuhin ko iyon.
At yung channel of blessings ay parang sirang plaka na talagang ginising yung minantikang utak ko. Oo nga naman, kung maisshare mo yung blessings mo sa iba gawin mo. Gawin ko.

Nasa jeep ako, galing ng Divisoria. Habang nakahinto ang jeep may isang batang lalaking sumampa at nagpamigay ng sobre na noong una diring-diri ako at dineadma ko. Mga limang taon siguro yung bata. Kumakanta siya pero walang nakakarinig o sadyang hindi sila interesadong makinig. Gusgusin ang kanyang mukha, payat at nangingitim ang damit. Napatingin ako sa labas. May nakita akong mag-ina na nagtitinda ng basahan. Siguro yung bata, wala pang isang taon. Umiiyak siya siguro sa gutom. Naawa ako. Nakonsensya. Binalikan ko yung sobre. Me nakasulat pala, na:

"Kuya= Ate
Pahingi po ng konting tulong, pambili po ng pagkain. Salamat po"

Naalala ko si Nixy. Ayokong danasin niya na manglimos. Ayokong danasin niyang magutom. Sabi nila, yung mga pulubi daw ay pinapatakbo ng sindikato. Yung nakukuha nilang limos ay hindi naman talaga sa kanila napupunta. Meron namang nagsabing, wag kang magbibigay ng pera sa mga pulubi dahil iyong iba pinambibili lang ng rugby. Naalala ko yung sinabi ng lola ko. Magbigay ka kung gusto mo magbigay, huwag mo problemahin kung anong gagawin nila sa perang binigay mo. Ang importante bukal sa puso mo na tumulong ka.

Nang mga oras na iyon, wala akong pagkain na dala kahit gusto kong bigyan siya kahit panandaliang pantawid-gutom.Napatingin ako sa bike ni Nixy, napatingin ako sa mga abubot na pinamili ko. Napakaswerte ko. Kumapa ako ng bente at inilagay ko sa sobre. Nung inabot ko sa bata,sa tingin pa lang alam na niya alin ang may laman sa sobreng hawak niya. Umaliwalas ang mukha niya. Biglang nabuhayan ng pag-asa. Umupo muna siya sa umaandar na jeep saka inisa-isang binuksan ang sobre. Napangiti siya ng nakita ang sobre. Ako rin, napangiti. Bumaba na siya at ipinagyabang sa kapwa bata ang nakuha niya. Naisip ko sa isang araw kaya, ilang beses nalalagyan ang sobre niya??? Gumaan ang loob ko. Sa bente pesos na ibinigay ko, alam ko kahit papaano naishare ko ang blessings na natatanggap ko.

No comments: