Wednesday, June 25, 2008

Yosi



Habang hinihithit ko ang sigarilyo ay matama kong pinagmamasdan ang bagong kasal. Sa bawat kilos nila, mababanaag ang kagalakan. Hithit-buga, makikita sa nga mata ni Leslie ang kaligayahan. Ang kasal niya ang pinapangarap ng lahat ng kababaihan, lalo na ang kanyang napangasawa na isang doktor na galing sa kilalang angkan idagdag pa na mala-adonis ang kagwapuhan at kakisigan. Sa isang magarbong hotel sa Makati idinaos ang reception. Habang nagmamasid, napako ang tingin ko sa paring nakaabito. Madami siyang kakwentuhan, madaming nagmamano. Hithit-buga, kilala ko ang pari- walang iba kung hindi si Chico.

Ako ang payaso ng klase, at siya naman ay kilala sa pagiging tahimik at misteryoso. Sa nakakatawang paggrupo sa Psychology, pinagsama ng aming propesor ang magkaiba ng personalidad at sa madaling salita kami ang naging magkapareha. Doon nagsimula ang lahat. Palagi na tayong makasabay sa pagkain ng pananghalian at sa pag-aabang ng jeep tuwing uwian. At ang pinakayaw kong lugar sa unibersidad na pinupuntahan ay napilitan na rin akong gawin itong tambayan- ang library.

Tahimik si Chico at hinid pala-kwento kung kaya't nagulat ang lahat lalo na ako ng hinarana niya si Leslie sa harap ng buong klase. Madaming nagtaka at nanngutya. Hindi ko alam kung saan siya humugot ng lakas ng loob para magtapat, sapagkat alam ng lahat na may kasintahan na si Leslie. Ngunit naging bingi si Chico sa payo at naging bulag sa katotohanan na imposible niyang makuha ang matamis niyang "Oo."

Nanatili akong pipi at kunsintidor sa kabaliwan ng kaibigan ko. Wala siyang narinig na reklamo noong nagpasama siyang bibili ng mga rosas. At kahit gabing-gabi na, pinilit pa rin niya ako na samahan siyang pumili ng stuff toy na panreregalo sa babaeng pinagtutuunan niya ng lahat ng kanyang atensyon- si Leslie. Ang tanging pangakong kanyang binitawan ay "Huwag kang mag-alala, ihahatid kita sa bahay niyo basta makabili lang tayo", at wala akong kagatol-gatol na tumango. Malaki ang kanyang pinagbao, palagi ng may ngiti sa mga labi ni Chico na talaga namang nakakapanibago. Naging pala-kwento na din siya hindi gaya noon na palagi siyang walang kibo. At ang tanging paksa ng aming usapan ay walang katapusang Leslie. Bida pa niya ay, ang lambing-lambing daw ng dalaga kapag sila'y magkasama. At nalulunod si Chico tuwing ngumingiti si Leslie na nagpapalitaw ng malalim na biloy niya sa magkabilang pisngi. Huminga ako ng malalim saka tinanong ang aking kaibigan ang matagal ng gumugolo sa aking isipan.

"Chico, ano bang nagustuhan mo kay Leslie?"
" Simple lang, mukha ang amo ng mukha niya. Mukha siyang anghel, mukha siyang prinsesa..."

At trinato niya nga itong parang prinsesa. Lahat ng hiling niya, ibinigay ni Chico, lahat ng itos nito sinunod naman ng kaibigan ko. Kahit alam naman ng lahat at hindi naman linid sa kanya na mayroon na itong nobyo.

Lunes. Bago mag-uwian, nagpahintay si Chico, sapagkat gusto niyang kausapin si Leslie, at habang naghihintay ay nagsindi ako ng sigarilyo. Noong una, panakaw pa ang tingin niya kay Leslie, gaya ng pagtitig ko sa kanilang dalawa, ngunit hindi na siya nakatiis at nilapitan na niya ito upang kausapin. Hindi ko sila naririnig, ngunit nababasa ko sa mukha ni Chico na siya'y nagmamakaawa habang hawak ang mamahaling kwintas na kahapon lang namin binili. Pahablot na kinuha ni Leslie ang kwintas ngunit hindi sinuot. Napadako ang kanilang tingin sa aking pwesto, sa pagkakataon na iyon ay hiniling ko na maging usok ng sigarilyo na unti-unting maglalaho. Walang nangyari, nanatili pa rin akong nakatayo sa aking pwesto. Umiwas na lang ako ng tingin at pinagmasdan na lamang ang mga dumadaang sasakyan. Hindi ko naramdamang katabi ko na pala ang aking kaibigan. Pahablot niyang tinanggal ang yosing kanina ko pa sinindihan.

"Ano bang problema mo!?"

Hindi na lang ako kumibo. Ako dapat ang nagtatanong kay Chico, ngunit sinarado ko na lamang ang bibig ko.

"Hindi ka nagyoyosi kapag wala kang problema!" tumaas na naman ang boses niya, ngunit nanatiling tikom ang aking bibig. Mahigpit niyang hinawakan ang aking kamay at hinila kung saan man kami pupunta. Ganito palagi ang eksena, kapag may problema ako, kapag mainit ang ulo ni Chico.

Hindi ko tuloy maiwasan na tanungin ang ilang kaibigan, kung maganda ba ako. Halos pare-pareho ang kanilang sagot. Erotika daw ang taglay kong alindog na pinagnanasahan ng madaming kalalakihan. Mahahaba ang aking biyas at bagay daw sa aking ang maging modelo na siya naman talagang pangarap ko, ngunit mas pinili ang propesyon ng aking ama- maging guro. Nakapila naman ang manliligaw at mga nagpapalipad hangin, ngunit ni isa ay wala akong matipuhan. May ibang hinihintay ang kaluluwa ko, may ibang ibinubulong ang damdamin ko.

Pebrero. Nagising na sa katotohanan si Chico, na ang babaeng kanyang kinababaliwan ay sadyang nagbabalat-kayo. Ang prinsesa niya ay sinisiraan ang kaibigan ko kapag nakatalikod na ito. Sinigawan daw siya nito sa harap ng kanyang kabarkada, na imposibleng magawa ni Chico sapagkat napakahinahon niyang magsalita. Iniwan daw niya ito sa kalye at hindi man lang hinatid sa sakayan, na hindi kapani-paniwala sapagkat hindi na mapakali ang kaibigan ko hangga't hindi niya nasisigurong nakauwi ng maayos ang kaibigan niyang babae lalo pa kaya kung si Leslie.

Nagbalik siya sa dating agwi. Tahimik at palaging malalim ang iniisip. Madalang pa sa patak ng ulan ang kanyang pag-ngiti. Kami pa rin ang madalas magkasama at hindi maiwasan ang mga panunukso. Lihim akong kinikilig ngunit isang mapait na ngiti ang palaging tinutugon ni Chico. Ilang buwan na din akong hindi mapakali, at ilang gabi na din akong hindi makatulog. Ngayon, sigurado na ako sa nararamdaman ngunit mananatili na lamang itong sekreto.

Minsang naglalakad kami at naghahanap ng makakainan, nagulat na lamang ako ng bigla akong tinanong ni Chico ng tungkol sa kasal.

"Tiffany, anong edad mo gusto mag-asawa?"

"Kahit pag-kagraduate ayos lang huwag lang muna magka baby..."

"Ang aga naman..."

"Sa totoo langg ayoko talaga mag-asawa, pangarap ko lang maisuot ang dream wedding gown ko, masaya na ako dun. Ikaw kailan?"

Hindi niya sinagot ang tanong ko, sa halip ay nagmano sa paring nakasalubong namin sa daan.

" Alam mo, iba ang nararamdaman ko kapag nakakakita ako ng pari. Kagalang- galang silang tingnan, ang taas-taas ng tingin ko sa kanila."

Matipid na ngiti ang isinagot ko sa mga katagang binitawan ng kaibigan ko. Inisip ko na lamang na sariwa pa ang pait na dulot ni Leslie, kung kaya't bumalik na naman siya sa kanyang kawirduhan.

Mabilis ang paglipas ng araw. Isang linggo na lamang at araw na ng aming pagtatapos. Napansin kong may malungkot ang nagungusap na mga mata ng kaibigan ko. Marahil iniisip niyang bilang na ang araw na makikita niya si Leslie. Nilibre niya ako ng pananghalian, malaki ang aking pagtataka dahil parang fiesta ng umorder siya. Bawat minutong magkasama kami ay nilulubos ko na, sapagkat hindi na kami araw-araw magkakasama.

Dumating ang gabi ng aming pagtatapos. Pilit ko siyang hinanap sa dami ng tao. Walang anu-ano may kumalabit sa likod ko. At tumambad sa aking harap ang kaibigan ko na many dalang isang pumpon ng mga anturiom-ang paborito kong bulaklak. Sa aking pagkagulat, hindi ko napigilan at bigla ko siyang nayakap. Marahan siyang kumawala sa mahigpit kong pagkakayakap at saka iniabot ang bulaklak.

Hinawakan ni Chico ang aking kamay saka nagtapat. Bumilis ang tibok na aking puso, at ramdam kong namumula ang aking pisngi sa kaba.

"Matagal ko na itong pinag-isipan. At ngayon siguradong-sigurado na ako, alam na din nila ma at pa. Hindi naman sila tumutol, magpapari ako Tiffany."

Gumuho ang mundo, ang pag-aakala kong iisa pala kami ng nararamdaman. Ngunit walang katumbas ang aking pag-asa na mamahalin din niya ako. " Huwag kang magpari!" ngunit hindi ko masabi at nagmistulan akong pipi.

"May sulat kasama ng bulaklak, mamaya mo na lang basahin sa bahay." Isang malamig na ngiti ang aking tugon saka nagpaalam.

Tinapon ko kaagad ang bulaklak pagdating sa bahay, ngunit nakita kong kinuha ng aking Ina, at kung saan man niya tinao ay hindi ko na namalayan.

Isang dekada na ang nakaraan. Natupad na din ang pangarap ko, isa na akong ganap na modelo at hindi natuloy sa pagtuturo. Natupad na din ang pangarap ko na maisuot ang pinapangarap kong damit pang-kasal. At ang aking mukha ay laman ng iba't ibang matitingkad na pabalat ng mga kilalang magasin habang nadadamitan ng magagarbong kasuotan ang ang aking makurbadang katawan.

Linggo. Kalahating oras na akong nakaupo at hinihintay ang paglakad ng mga abay. Hindi ako nainip at nabingi ako ng nagsimulang tumugtog ang awit pang-kasal. Natulala ako ng makita ko ang paring magkakasal- si Chico. Nagtama ang aming mga mata. Nagkita ulit kami pagkatapos ng mahabang taon, sadyang mapaglaro ang pagkakataon. Wala man lang bahid ng kalugkutan akong nakita sa kanyang mukha habang nagmimisa. Marahil binaon na niya sa limot ang nakaraan, kaya kanyang pinaunlakan na siya pa ang magkasala sa una at huling babaing kanyang niligawan.

Nakaiilang hithit pa lang ng biglang may humablot sa sigarilyo. Napamura ako at tumambad sa akin si Chico, si Father Chico.

"May problema ka ba?"

Kinuha ko sa kanyang kamay ang sigarilyo. Tinapon sa kinatatayuan ko at saka inapakan ng Heels nng sapatos at muling humarap sa paring kausap ko.

"Wala Father, wala akong problema." At saka nagmano.
"Chico, masaya ka ba sa pagsusuot ng abito?" Tumango siya na ang ibig sabihin ay "Oo". At ngumiti, isang mapait na ngiti ang aking nasilayan sa kanyang mukha. " Ikaw, masaya ka ba sa pagiging modelo?" "Oo naman." At tuluyan na akong nagpaalam, sapagkat dumating na ang sundo kong kotse.


Sa loob ng sasakyan, kinuha ko sa bag ang sulat na ilang libong bses ko nang binasa. Ngunit wala ng saysay magsisi man ako o manghinayang.

Tiffany,
Magkita tayo bukas ng umaga, 7am. Ihahatid na ako sa seminaryo, pero kung pipigilan mo ako, hindi ko itutuloy ang pagpapari at aayain kitang magpakasal Mahal ko.
Chico.

Marahil mas masaya kung ako ang may suot ng damit pang-kasal at kami ni Chico ang nangako na habang buhay na magmamahalan. Nagsindi na lamang ako ng yosi at ipinagdasal na maging usok na lamanh ng sigarilyo ang alaala namin ni Chico.

7 comments:

Anonymous said...

I know the guy behind the story, hehehe... nice one glenda,saktong sakto ang pagkakagawa...just the right mix of drama and tragedy..winner din ang ending ha. like it

Anonymous said...

I like the ending... not the typical mushy type. hehehe natatawa talaga ko pag binabasa ko to,kuhang kuha hehehe

Anonymous said...

haha.tnx ate sa comment c: hardcore yung lalake dyan.hehe

Anonymous said...

ur stories make me stop n think.."ganito b talaga mga Pilipino!?..parang mga ewan amf..ang ddrama..kung anu anung padale s buhay..mga ktorpehan at pakiputan..guard.."

lol

this is d last one i read out of all ur stories btw ^_^

girlindlibrary said...

haha. madaming torpeng pinoy.lol

this story was published in UST Education Journal last March 2007

Anonymous said...

.,ang lupit mo talaga inday glenda...galing ng kwento...hindi ko nga napansin tumutulo na pala sipon ko..napansin ko nalng ng punasan ng katabi ko..hehehe lupet!!lupet!!lupet!! mo talaga

girlindlibrary said...

aw, haha azykrim masao.haha. tnx tnx ako na magpupunas.lol